Matapos ang isang dekadang paghihintay, tila nabunutan ng tinik ang lahat ng pamilya ng mga biktima ng malagim na Maguindanao massacre na itinuturing nilang maagang Pamasko nitong 2019.
Ito ay matapos hatulang guilty ang mga magkakapatid na Ampatuan na makapangyarihan noon sa tinaguriang Maguindanao massacre case na nangyari sa Sitio Masalay, Barangay Salman, sa Ampatuan town sa Maguindanao.
Ang mga magkakapatid ay itinuturong sangkot sa malagim na krimen na ikinamatay ng 58 katao kabilang na ang 32 mamamahayag.
Disyembre 19, 2019 nang matapang na hinarap ni Quezon City Regional Trial Court (RTC) Branch 221 Presiding Judge Jocelyn Solis-Reyes ang mga akusado sa karumal-dumal na krimen sa isinagawang promulgation of judgment.
Sa ibinabang promulgation of judgement na isinagawa sa Camp Bagong Diwa, Taguig City kabilang sa senentensiyahang makulong ng reclusion perpetua o hanggang 40 taon ay ang magkapatid na sina dating Autonomous Region in Muslim Mindanao Governor Zaldy Ampatuan at dating Datu Unsay Mayor Andal Ampatuan Jr.
Ang kanilang ama o patriarch na kasama rin sa mga akusado bilang principal suspect na si Andal Sr. ay inabswelto kung saan kung maalala ay pumanaw na habang nakadetine noon pang taong 2015.
Sa 761-page decision na ang ilang bahagi lamang ang binasa o dispositive portion, sinabi ni Judge Solis-Reyes na ang mga Ampatuans ay napatunayang guilty sa multiple murder sa massacre ng 57 katao sa Maguindanao noong taong 2009.
Ang mga napatunayang nagkasala sa karumal-dumal na krimen na inabot din ng mahigit sa 10 taon bago nadesisyunan ay pinagbabayad din sa mga pamilya ng mga biktima, may kaugnayan sa civil indemnity, moral damages, exemplary damages, actual damages at dahil sa loose earning capacity ng pamilya.
nena santos esmael mangudadatu
Ayon kay Judge Reyes ang mga akusado ay pinagbabayad ng halaga na may interest rate na six percent per annum mula sa pagbaba ng hatol hanggang sa tuluyang mabayaran ang itinakdang danyos-perhuwesyo.
Nakapaloob din sa ruling ng huwes na umaabot sa 14 na mga police officers kasama na ang isang Bong Andal na siyang nag-operate sa backhoe ang hinatulan naman ng maiksi lamang na anim hanggang sa 10 taon na pagkakabilanggo matapos na matukoy na sila ay “accessories to the crime.”
Gayunman ilang Ampatuans na kinabibilangan nina Akmad alias Tato, Sajid Islam, Jonathan, Jimmy at marami pang personalidad ang inabswelto dahil sa kabiguan daw ng prosekusyon na mapatunayan ng walang pasubali ang kanilang pagkakaugnay sa kontrobersiyal na kaso.
Samantala, binigyang linaw naman ni Judge Reyes na hindi kasama sa pinagbabayad ng korte ang mga principal accused sa pamilya ng photojournalist na si Reynaldo “Bebot” Momay na sinasabing ika-58 biktima ng masaker.
maguindanao massacre 4
Na-convict ang mga akusado sa 57 counts pero hindi sa kaso ni Momay na hindi narekober ang bangkay kaya isinantabi ang hiling na damages ng pamilya.
Sa kabuuan umabot sa 197 katao kabilang ang 15 mga Ampatuans ang nakasuhan.
Sa itinakbo ng kaso nasa anim na suspeks ang na-dismiss ang asunto, dalawa ang naging state witness at walo naman ang namatay habang nakakulong.
Una nang binigyang diin ni Judge Reyes na umaabot pa sa 80 ang nakakalaya at pinaghahanap pa kaya iniutos nito ang pag-aresto sa mga ito.
Batay naman sa court records nang ideklarang submitted for resolution ang kaso noong buwan ng Agosto, umabot din sa 357 na testigo ang dininig ng korte sa loob ng 424 trial days.
Ang naturang malaking kaso ay una nang binansagan ng ilang international media groups bilang “the biggest single election-related violence in the history” kung saan 32 mga media practitioners ang nadamay.
Sa naging desisyon ni Judge Solis-Reyes, kabilang sa mala-pelikulang testimonya ay ang ibinigay ni Sukarno Badal na naging vice mayor ng Sultan Sabarongis municipality sa Maguindanao mula 2007 hanggang 2009.
Si Badal na siya rinng naging presiding officer ng sangguniang bayan ang kabilang sa tumukoy kay Andal Sr. na siyang utak sa pagpapatay sa mga Mangudadatu dahil sa tangkang harapin sila sa halalan sa pagka-governor na ang lalaban daw ay si Esmael “Toto” Mangudadatu.
Habang si Datu Unsay naman ang siyang nag-implementa ng kautusan upang ipatupad ang paglikida sa mga Mangudadatu.
Naalala raw ni Badal na nagtayo sila ng mga lokasyon o checkpoints upang harangin ang mga Mangudadato sa filing ng COC. Ito ay sa Crossing Saniag, Malating, Sitio Bente Kwatro sa Datu Unsay municipality at sa Salbo sa Saudi Ampatuan municipality.
Batay sa court record, “In sum, it was Datu Unsay who presided over the meeting. He even said: “ngayon e-implement na niya ang kautusan ng pamilya Ampatuan na patayin ang mga Mangudadatu ”; “ang sinumang magtangkang lumaban sa politica sa kanila ay papatayin nila lalo na yung mga Mangudadatu lang na yan.”
maguindanao massacre victims family harry
Noong November 23, 2009, nang maharang na ang convoy ng maraming behikulo sa pangunguna ng misis ni Mangudadatu, mga abogado at mga mediamen, ayon pa sa testimonya ni Badal ito na ang sumunod:
“Those who fired the shot included “Datu Unsay, Datu Kanor, Kage Akmad, Datu Nords, Bahnarin, Datu Ipi, Datu Peru, Datu Pandag Ampatuan, and many more.” Datu Unsay used an M203 first, then he changed his firearm. Datu Kanor used a Baby-K3; while Bahnarin, Datu Ulo, Datu Ipi, Datu Pandag, and Datu Unsay used a Baby M60. Another set of passengers were dragged away from the second vehicle towards Datu Unsay. The armed men whom he assigned to board each vehicle were the ones pulling the passengers. The witness described the situation in this wise: “parang hindi magkamayaw nakita na nila yung nauna sa kanila namatay na, hinihila nila tapos ganun pa rin, pinatindig sa harap ni Unsay binaril nanaman uli”. Like the first batch of passengers, the second batch of passengers were all gunned down and killed. The witness recalled that they were shot in this manner: “pinaputukan, contest sila nakatindig, lahat sila nagbaril sila ng mga taong walang nagawang kasalanan walang kalaban-laban.”
Gayunman, matapos ang verdict, hindi pa rin umano makuhang magpakampante ang mga pamilya ng mga biktima ng Maguindanao massacre.
Ayon kasi kay Mary Grace Morale, na nawalan ng asawa at kapatid sa malagim na masaker, ang tagumpay daw nila ay hindi pa rin rason para hindi na sila matakot sa mga Ampatuan dahil marami silang mga galamay.
Dahil dito, hindi raw sila puwedeng magpahinga at kailangan nilang manatiling vigilant o mapagmatyag sa mga nakapaligid sa kanila.
Sigurado raw kasing gagamitin ng mga nakaditineng Ampatuan ang mga na-acquit sa kaso bilang kanilang mga galamay sa labas.
Naniniwala rin ni Ricardo Cachuela na nawalan ng kapatid sa November 29, 2009 mass slaughter na posibleng gamitin ang mga na-acquit sa kaso para sila ay harasin.
Hiniling din nito sa media na hindi dapat mawalan na ng interest sa isyu kahit tapos na ang promulgation of judgment at tutukan pa rin ang mga akusado dahil baka mabigyan sila ng special treatment sa New Bilibid Prison (NBP).
Una rito, sa panayam ng Bombo Radyo Philippines kay Ivy Maravilla ang asawa ng chief of reporter ng Bombo Radyo Koronadal na namatay sa malagim na krimen todo pasasalamat ito dahil nabigyan na ng hustisya ang pagkamatay ng kanyang asawa.