-- Advertisements --
leni duterte
VP Leni and Pres. Duterte

Marami ang nagulat nang tanggapin ni Vice President Leni Robredo ang mapangahas na hamon ni Pangulong Rodrigo Duterte na mangasiwa sa anti-drug war campaign ng gobyerno.

Isang alok na tila yumanig sa mga kakampi ng Pangulo dahil ito mismo ang nagdesisyon na bigyan ng pwesto ang kanyang bise presidente para pamunuan ang pangunahing programa ng administrasyon, na agad na humakot ng kritisismo hindi lang dito sa loob ng Pilipinas kundi pati na rin sa ibang bansa.

Matapang na tinanggap ni Robredo ang appointment sa kanya bilang co-chairperson ng Inter-Agency Committee on Anti-Illegal Drugs (ICAD).

Ito ay sa kabila ng mga agam-agam at pagtutol ng kanyang mga kapartido, gayundin ang kawalan ng tiwala mula sa ilang kaalyado ng Pangulo at hindi malinaw na depinisyon ng kanyang mandato.

ROBREDO DOH 1

“We do not believe that the Vice President is incapable of rising up to the challenge and doing justice to the trust reposed upon her by Filipino people, unless of course she proves us wrong by declining the appointment,” ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo.

Handa raw si Robredo na patunayan ang kanyang katapatan na makatulong sa aniya’y “hindi naging epektibo” na implementasyon ng programa sa nakalipas na tatlong taon.

“First day pa lang ng pagtanggap ko, nagtrabaho na ako. Papabayaan ko na lang sila kung hindi pa nagkakasundo kung ano ba talaga iyong kaakibat ng assignment ko. Basta ako, ginagawa ko iyong lahat, whether miyembro ako ng Cabinet o hindi,” ani Robredo sa isang interview.

Agad pinag-aralan ng bise presidente ang trabaho ng ICAD at nakipagpulong sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno.

VP Leni Robredo ICAD drugs

Maging ang mga opisyal mula sa embahada ng Estados Unidos at United Nations ay hinarap din ni Robredo bilang bahagi ng kanyang mungkahi na kilalanin ng gobyerno ang papel ng pribadong sektor sa pagpapatupad ng war on drugs.

Pero hindi pa man umiinit ang silya ng pangalawang pangulo sa ICAD ay sinibak na ito ng Pangulong Duterte.

Isinisi ng Malacañang sa hamon ni opposition Sen. Francis Pangilinan ang pagsibak sa bise presidente.

“Well the Vice President had it coming when she made missteps and apart from that, the president of the Liberal Party was daring President (Duterte) to fire her and the VP Leni taunting him to fire her,” ani Panelo sa isang interview.

Nagbunsod naman ito para magbitiw ng makahulugang buwelta ang bise presidente sa administrasyon.

VP Leni Robredo AFP

“Kung sa tingin nila matatapos ito dito, hindi nila ako kilala. Nagsisimula pa lamang ako,” ani Robredo.

Kung maaalala, 2016 pa nang huling umupo sa isang Cabinet position si Robredo bilang chairperson ng Housing and Urban Development Coordinating Council, pero nagbitiw din ito sa pwesto matapos ang limang buwan dahil pinatigil umano siya ng Presidente na dumalo sa mga meeting ng gabinete.

Bukod sa ICAD post, naging hamon din sa pangalawang pangulo ang malaking tapyas sa bilang ng kanyang mga kaalyado sa Kongreso.

Wala kasing nanalo sa kanyang mga inendorsong kandidato sa pagka-Senador noong halalan. Ang resulta: apat na kakampi sa mataas na kapulungan, at 18 kongresista sa Kamara.

Mala-sirko naman ang pagpapatuloy ng electoral protest ng natalong 2016 vice presidential candidate na si dating Sen. Bongbong Marcos.

Noong nakalipas na buwan ng Setyembre nang kumpirmahin ng Supreme Court na isinumite na ni Associate Justice Benjamin Caguioa sa en banc ang report ng pilot recount matapos ang higit isang taon.

LENI ROBREDO NOV 13 1

Sa kabila ng mga hamong hinarap ng bise presidente ngayong taon, hindi ito nakalimot na tupdin ang kanyang pangakong tulungan ang mga tinaguriang nasa laylayan ng lipunan sa pamamagitan ng kanyang Angat Buhay program.

Kabilang na ang pagpapaabot ng tulong sa mga nabiktima ng lindol sa Batanes, financial aid sa mahihirap na komunidad, pagpapatayo ng classrooms, at ayuda sa 22 mangingisda na lulan ng bangkang binunggo at iniwan ng Chinese vessel sa karagatang malapit sa Recto Bank noong Hunyo.

Inaasahang bubuksan ni Robredo ang 2020 kasama ang report at rekomendasyon nito sa war on drugs na ilang beses naantala dahil sa hosting ng Pilipinas sa SEA Games at lindol sa Mindanao.