Tagumpay umano ang anti-drug campaign ng Philippine National Police (PNP) ngayong 2019.
Ito ay sa kabila ng iskandalong kinasangkutan ng pambansang pulisya partikular ang isyu sa ninja cops.
Taas noo pa rin daw masasabi ng 195,000 strong PNP personnel na kanilang nagampanan ang kanilang misyon at mandato bilang tagapagpatupad ng batas lalo na ang pagpapanatili sa peace and order ng bansa.
Isa na rito ang matagumpay na hosting sa Southeast Asian Games (SEA) na ginanap sa bansa kung saan 27,000 police force ang ipinakalat sa ibat- ibang venue at sporting events sa apat na rehiyon sa bansa para matiyak lamang ang seguridad ng mga foreign athletes.
Dahil dito, pinuri ang PNP sa kanilang mahigpit na ipinatupad na seguridad na walang anumang naitalang insidente.
Nabahiran ang reputasyon ng PNP ng mismo si retired PNP chief Oscar Albayalde ang isinangkot sa maanomalyang drug raid sa Pampanga noong 2013 na pinangunahan umano ng mga ninja cops na nagre-recycle ng mga iligal na droga.
Isang buwan bago magretiro sa serbisyo si Albayalde, lumabas ang isyu sa ninja cops kung saan pinoprotektahan diumano ng dating PNP chief ang kaniyang mga tauhan.
Hindi naman nakasuhan si Albayalde at tahimik itong nakagretiro sa serbisyo noong November 8, 2019.
Dalawang Linggo bago ang retirement ni Albayalde, naghain na ito ng kaniyang resignation at itinalaga bilang Officer-in-Charge ng PNP si Lt Gen. Archie Gamboa.
Sa panayam kay Gamboa sinabi nito isa sa challenges na kanilang kinaharap ngayong 2019 ay ang mabahiran ang reputasyon ng PNP at ang nawalang tiwala ng publiko.
Pero ipinagmamalaki ni Gamboa na sa dalawang buwan nitong panunungkulan bilang officer-in-charge unti-unting nabalik daw ang tiwala ng publiko sa PNP.
Kabilang sa major accomplishments ng PNP ngayong 2019 ay ang pagkakasabat sa nasa 371 kilos ng high-end shabu na may market value na P2.5 billion mula sa Chinese national na nakilalang si Liu Chao.
Siniguro ni Gamboa na tuloy tuloy ang kanilang kampanya laban sa ilgal na droga kung saan ang magiging target ay ang mga itinuturing na mga high-value targets.
Palalakasin pa ng PNP ang crackdown ng gobyerno laban sa illegal drugs ng sa gayon maputol na ang supply ng iligal na droga mula sa ibang bansa.
Tututukan din ng PNP ang kanilang internal cleansing lalo na sa mga pulis na pasaway.
Sa ngayon nasa 90 na mga pulis ang sinibak sa serbisyo dahil sa ibat-ibang criminal and administrative offenses.
Aminado si PNP OIC na malaking challenge rin para sa kaniya ang ibalik ang tiwala ng publiko sa PNP pero nagawa ng PNP na maibalik ang tiwala sa kanila sa pamamagitan ng kanilang accomplishments.
Para lalo pang mapalakas ang crime-fighting efficiency ng PNP, dinagdagan pa ng PNP ang kanilang helicopters at iba pang mga kagamitan na nagkakahalaga ng P3 billion.
Kabilang sa bagong procurement ng PNP ay ang pagbili nila ng mga body cameras na siyang gagamitin para sa kanilang anti-drug operation.
Layon ng PNP para maging transparent ang kanilang operasyon.
Isa rin sa inaabangan ang pagtatalaga ni Pangulong Rodrigo Duterte ng bagong PNP chief.
Tatlo ang inirekumendang pangalan, ito ay sina PNP OIC Lt Gen. Archie Gamboa, Lt. Gen. Camilo Cascolan at Lt. Gen. Guillermo Eleazar.
Inaasahan sa buwan ng January 2020, iaanunsiyo ng Pangulo kung sino ang susunod na PNP chief.