Inaabangan na ng buong mundo ang gagawing paglilitis ng U.S. Senate hinggil sa impeachment inquiry laban kay President Donald Trump na nag-ugat sa umano’y pakikipag-ugnayan nito sa Ukraine para sa pansariling political benefits.
Ito ay makaraang pagtibayin na sa US House of Congress ang dalawang articles of impeachment, ito ang abuse of power at obstruction of Congress.
Si Trump ang ikatlong Presidente na na-impeach sa pwesto sa buong kasaysayan ng Estados Unidos.
Ang naturang botohan ay nasundan pa ng ilang mga testimonya na magdidiin sa mga hakbang ng Presidente upang gipitin daw ang Ukraine na magsimula ng imbestigasyon laban sa katunggali nito sa politika na si fomer US Vice President Joe Biden at anak nitong si Hunter Biden.
Giit ng kampo ng American leader na iligal ang naging pagsali ni Hunter sa board of members ng Ukrainian energy company na Burisma Holdings noong 2014.
Ang kompaniyang ito ay pagmamay-ari ni Mykola Zlochevsky, isa sa mga subjects ng Ukrainian corruption probe.
Matapos nito ay inutusan umano ng dating bise presidente ang pagpapatalsik kay former Ukraine prosecutor general Viktor Shokin kapalit ng $1 billion loan guarantees para sa bansa.
Nakiisa rin umano si Biden sa ilan pang Western leaders upang paalisin sa pwesto si Shokin.
Taong 2016 nang tuluyang tanggalin ng Ukraine parliament si Shokin mula sa posisyon nito.
Parehong taon nang maglabas ng conspiracy theory si Trump na nag-uugnay sa naging papel ng Russia sa naganap na 2016 presidential election kung saan natalo nito si Hillary Clinton.
“[The Democrats] get hacked, and the FBI goes to see them, and they won’t let the FBI see their server,” saad ni Trump.
“They brought in another company that I hear is Ukrainian-based. That’s what I heard. I heard it’s owned by a very rich Ukrainian.”
Naging makasaysayan naman ang pagkapanalo ng dating TV comedian na si Volodymyr Zelensky bilang pangulo ng Ukraine matapos nitong makakuha ng 73% ng boto.
Hindi kalaunan ay nadawit si Zelensky sa isyung kinakaharap ni Trump kasunod ng naging pag-uusap ng dalawang presidente kung saan pinilit ng huli na magsagawa ng imbestigasyon si Zelensky laban kay Biden kasabay ng pansamantalang pagpapatigil nito ng $300 million military aid para sa Ukraine.
Sa ibinahaging imbestigasyon ng Center for Public Integrity, nakita rito na kaagad umaksyon ang mga opisyal ni Trump matapos ang nasabing July phone call para itago ang detalye sa naging talakayan ng dalawa.
Ikinatakot naman ng mga kritiko na Trump na posibleng malagay sa alanganin ang seguridad ng kanilang bansa maging ang integridad ng eleksyon sa US dahil dito.
Sa kasalukuyan ay patuloy pa ring nagtatalo ang House Democrats at Senate Republicans tungkol sa susunod na hakbang sa impeachment process.
Ito ay matapos i-delay ni House speaker Nancy Pelosi, isang Democrat mula California, ang pagpapadala ng nasabing articles of impeachment sa Republican-controlled Senate.
Aniya, gusto nitong masigurado na magiging patas ang gagawing paglilitis maging ang mga ilalabas na witnesses ng bawat kampo.
Sa kabila nito, hindi pa rin pinapayagan ni Trump ang ilang senior White House at administration officials na tumestigo sa impeachment inquiry o makiisa sa paglalabas ng mga kinakailangang dokumento.