Posibleng hindi na muli magdedeklara ng mga Yellow at Red Alert sa power sektor sa nalalabing bahagi ng 2024.
Naniniwala kasi ang National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) na kasabay ng pagpasok ng tag-ulan ay malilimitahan o bababa na ang demand sa kuryente, hindi tulad ng nangyari sa nakalipas na tatlong buwan.
Paliwanag ni NGCP spokesperson Cynthia Alabanza na malaki ang epekto ng mataas na temperatura sa pagtaas ng konsumo ng kuryente.
Sapat aniya ang power supply sa mga transmission system ng NGCP kayat makakayang tugunan ang pangangailangan dito ng konsyumer, ngayon at inaasahan na ang tuluyang pagbaba ng demand.
Mula noong Enero hanggang sa kasalukuyan, umabot sa 31 yeallow alert at 11 red alert ang naitala sa Luzon grid, batay na rin sa tala ng Department of Energy. Ang pinakahuling yellow alert dito ay noong June 5.
Para sa Visayas, naitala ang hanggang 34 alert notice na binubuo ng 26 yellow alert at walong red alert.
Dalawang beses namang itinaas ang alert level sa Mindanao.