Nanindigan ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na tuloy pa rin ang pagpapatupad ng yellow lane policy.
Ito’y kahit na sandamakmak na batikos ang natatanggap ng ahensya hinggil sa nasabing polisiya, na naglalayong maibsan ang matinding trapik sa EDSA.
Paliwanag ni MMDA traffic chief Bong Nebrija, kailangan na may parte ang lahat para matugunan ang trapik sa nasabing pangunahing kalsada.
Ayon pa kay Nebrija, dapat umanong mag-adjust ang lahat hindi lamang mga bus drivers kundi pati na rin ang mga private vehicles.
Una nang nanawagan ang MMDA na hindi dapat sisihin ng publiko ang pinaiiral nilang yellow lane policy, na nirereklamo dahil sa pagiging “anti-poor” nito.
Umalma rin ang mga grupo ng mga city buses dahil maliit na porsyento lamang umano sila kung ihahambing sa mas maraming bilang ng pribadong sasakyan na nagiging ugat ng trapik sa EDSA.
Nitong Sabado, naging mas maluwag umano ang galaw ng mga bus sa yellow lane.
Patunay daw ito ayon sa MMDA na hindi pa rin matitiyak at pabago-bago ang daloy ng trapiko sa EDSA.