-- Advertisements --

BAGUIO CITY – Nahaharap na ngayon sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang isang Yemeni national dahil sa pag-aalaga nito ng mga marijuana sa loob ng kanyang tahanan sa Purok 5, Bakakeng Central, Baguio City.

Nakilala itong si Hussain Muaad Hasan alyas Muath Yaf.

Ayon sa PDEA-Cordillera, resulta ito ng pagsilbi nila ng search warrant sa tahanan ni Hasan.

Nadiskobre dito ang tatlong paso na natamnam ng mga marijuana plants at mga pinatuyong dahon ng marijuana.

Napag-alaman na madalas magtungo sa bahay ni Hasan ang mga mid-eastern nationals na may mga kasamang mga Pilipina.

Isinailalim sa mahigpit na surveillance ang bahay ni Hasan matapos makarating sa kanila ang report ukol sa ingay nito at mga kasamang dayuhan tuwing nasa impluwensiya sila ng iligal a droga.

Kinumpiska ng mga operatiba ng PDEA-Cordillera ang mga iligal na halaman na magsisilbing ebidensiya laban kay Hasan.

Nakatakda ring magsagawa ang PDEA-Cordillera ng background investigation kay Hasan at sa mga kasama nito ukol sa drug connections ng mga ito sa immigrations at iba pang line agencies.