TACLOBAN CITY – Kasabay ng ikaanim na anibersaryo ng pagtama ng supertyphoon sa Leyte, nag-ambag ambag din ang ilang mga “Yolanda” survivors para matulungan ang mga biktima sa serye ng lindol sa Mindanao noong nakaraang Oktubre.
Ayon kay Mayor Pel Tecson ng Tanauan, Leyte, nang malaman nila na nagtamo ng matinding pinsala ang ilang bayan sa Mindanao dulot ng lindol ay naisipan nila kaagad na magkaroon ng fund raising drive.
Ito raw ang kanilang paraan para masuklian ang mga taong nagbayanihan at tumulong sa kanilang bayan para makabangon mula sa kalunos lunos na nangyari sa kasagsagang ng bagyong Yolanda noong taong 2013.
Sa ngayon aabot na sa P400,000 ang nalilikom nilang pondo mula sa piso pisong donasyon kung saan paghahatian ito ng LGUs ng Makilala at Tulunan sa probinsiya ng Cotabato.
Personal naman ihahatid ng lokal na pamahalaan ng Tanauan ang tulong pinansyal sa Mindanao.