-- Advertisements --

Nag-alay ng panalangin ang mga biktima ng Super Typhoon Yolanda para sa tuluyang paggaling ni Pope Francis.

Ayon kay Archbishop John Du ng Archdiocese of Palo, Leyte, ang pagbuhos ng panalangin para sa Santo Papa ay pagpapakita ng kanilang pagmamahal at pasasalamat sa kaniya.

Maalalang bumisita ang Santo Papa sa Tacloban City at Palo, Leyte noong 2015 at hinarap ang mga biktima ng supertyphoon.

Giit ng Arsobispo, nagdala si Pope Francis ng pag-asa at pagkakaisa sa mga komunidad na naapektuhan ng malakas na bagyo, at ang kaniyang presensya noon ay nagpa-alala sa mga biktima na hindi sila nag-iisa sa kanilang paggaling at muling pagbangon.

Magpapatuloy aniya ang kanilang panalangin at pag-aalay ng misa, kasama ang mga mananampalataya mula sa arsobispado ng Palo para sa tuluyang paggaling ng Santo Papa bilang pagpapakita ng kanilang pagmamahal at pasasalamat sa kaniya.

Enero-15 hanggang 19, 2015 nang bumisita si Pope Francis sa Pilipinas kung saan bahagi ng kaniyang nakatakdang pagbisita ang pakikipag-usap sa mga biktima ng supertyphoon Yolanda.

Nananatili sa Gemelli Hospital ang Santo Papa mula noong una siyang dinala nitong Pebrero-14 dahil sa respiratory illness.