-- Advertisements --

Nabigo ang pagtatangka ng South Korean police na arestuhin si South Korean President Yoon Suk-yeol sa kaniyang presidential residence sa Seoul ngayong araw ng Biyernes, Enero 3, 2025.

Ito ay matapos ang standoff sa pagitan ng arrest team at presidential security team ni Yoon na tumagal ng halos 6 na oras.

Nagtipun-tipon din ang mga tagasuporta ni Yoon malapit sa presidential residence para harangin ang pag-araesto sa kaniya.

Ayon sa Corruption Investigation Office (CIO) na nangunguna sa joint investigation laban kay Yoon, hindi nila naisilbi ang arrest warrant matapos silang harangin ng 200 mga sundalo at presidential security personnel, base sa report mula sa Yonhap news agency.

Bukod dito, mahigit 10 bus at passenger cars ang humarang sa daanan patungong presidential residence dahilan kayat naging imposible na makapasok sila sa gusali.

Bunsod nito, ayon sa isang imbestigador ng CIO, nagpasya silang suspendihin ang pagsisilbi ng arrest warrant kay Yoon dahil sa safety concerns. Sinabi din ng opisina na may ilang maliit at malaking alitan na naganap habang sinusubukan nilang arestuhin si Pres. Yoon.

Samantala, kasunod ng nangyaring standoff, napaulat na na-indict ang hepe ng presidential security service na si Park Jong-joon na itinalaga ni Pres. Yoon kasama ang kaniyang deputy dahil sa obstruction of justice.

Ayon sa SoKor police, hindi umano nila naisilbi ang arrest warrant laban kay Yoon dahil sa illegal obstruction ng security service.

Matatandaan na nauna ng in-impeach ng parliament si Yoon noong Disyembre 14, 2024 dahil sa alegasyon ng insurrection dahil sa kaniyang panandalian at nabigong martial law noong Disyembre 3 subalit suspendido lamang siya mula sa kaniyang duties habang nakabinbin pa ang ruling ng Constitutional Court na siyang magpapasya kung tuluyang mapapatalsik si Yoon. Kayat technically, si Yoon pa rin ang Pangulo ng South Korea na nangangahulugan na may proteksiyon pa rin ito mula sa presidential security.

Samantala, ayon sa mga imbestigador, posibleng matagalan ang pag-aaral at pagpapasya sa magiging susunod na hakbang matapos ang bigong pag-aresto kay Yoon. Subalit posible aniya na mag-request silang muli ng panibagong arrest warrant bago magpaso ang naunang warrant sa Lunes.

Kung kinkailangan, may opsiyon ang mga imbestigador na mag-request ng extension o mag-isyu ulit ng warrant.