-- Advertisements --

Pinalaya na ngayong Biyernes, Marso 7 ang na-impeach na Pangulo ng South Korea na si Yoon Suk-yeol matapos ang ruling ng korte na nagpapahintulot sa kaniyang paglaya.

Nauna ng hiniling ng mga abogado ni Yoon sa korte na kanselahin ang pag-aresto sa kaniya noong nakalipas na buwan kung saan ikinatwiran ng kampo nito na iligal ang pagkulong sa kaniya dahil sobrang tagal inantay ng prosecution para i-indict siya.

Kaugnay nito, base sa dokumento mula sa Seoul Central District Court, tinanggap nito ang request ni Yoon na mapalaya mula sa kulungan dahil nagpaso na ang detention period sa kaniya bago pa man siya i-indict ng prosekusyon noong Enero 2025.

Gayundin para matiyak ang malinaw na procedure at maalis ang anumang pagdududa kaugnay sa legalidad ng proseso ng imbestigasyon.

Sa desisyon din ng Korte, papayagan si Yoon na harapin ang kaniyang criminal trial kahit na hindi ito nakakulong.

Inaasahan namang maglalabas na ng desisyon ang korte sa lalong madaling panahon kung pagtitibayin nito ang impeachment ni Yoon o sisibakin ito sa pwesto.

Matatandaan na natapos na ang mga pagdinig sa impeachment trial ni Yoon noong huling bahagi ng Pebrero ng kasalukuyang taon.

Mahigit isang buwan ding nakulong si Yoon matapos siyang arestuhin at ma-indict kaugnay sa kaniyang nabigo at panandaliang deklarasyon ng martial law noong Disyembre 2024.