-- Advertisements --

Posibleng arestuhin ng Corruption Investigation Office (CIO) ang na-impeach na si South Korean President Yoon Suk-Yeol sa araw ng Lunes, Enero 6.

Nauna na ngang nag-isyu ang Seoul Western District Court ng detainment warrant laban kay Yoon noong araw ng Martes, Disyembre 31 at may isang linggo ang CIO for High Ranking Officials para i-execute ito.

Inisyu ang naturang warrant matapos tumanggi si Yoon na humarap sa ilang mga requests para sa questioning at pagharang umano niya sa paggalugad sa kaniyang opisina na naging balakid sa imbestigasyon para matukoy kung ang kaniyang panandaliang deklarasyon ng martial law noong Disyembre 3 ay maituturing na rebelyon.

Subalit ipinahiwatig ni CIO chief prosecutor Oh Dong-woon na posibleng i-deploy ang police forces sakaling pigilan ng security service ni Yoon ang detention attempt na maaaring mangyari ng mas maaga ngayong Huwebes.

Sa isang mensahe naman para sa daan-daang supporters na nagtipun-tipon sa labas ng residence ni Pres. Yoon nitong gabi ng Miyerkules, muli siyang nanindigan na lalaban siya hanggang sa huli laban sa tinawag niyang “anti-state forces” na lumalabag sa soberaniya at naglalagay sa kanilang bansa sa kapahamakan.

Pinuri din niya ang kaniyang mga tagasuporta para sa kanilang pagsisikap para protektahan ang malayang demokrasiya at constitutional order ng kanilang bansa.

Nauna naman ng ikinatwiran ng abogado ni Yoon na invalid o walang bisa ang detainment warrant ng korte at inihayag na walang legal na awtoridad ang anti-corruption agency para imbestigahan ang rebellion charges laban kay Yoon. Inakusahan din ng kampo ni Yoon ang korte ng pag-bypass sa batas na nagsasaad na ang mga lugar na posibleng may kaugnayan sa military secrets ay hindi maaaring kumpiskahin o galugarin nang walang consent o pahintulot ng person in-charge.

Ang CIO nga ang nangunguna sa ikinasang joint investigation laban kay Yoon kung saan kasama ng ahensiya ang police at military authorities.