Kinontra nina House Assistant Majority Leaders Pammy Zamora ng Taguig City, Zia Alonto Adiong ng Lanao del Sur, at Jay Khonghun ng Zambales si Vice President Sara Duterte kaugnay ng sinabi nito na hindi niya pinagbantaan ang buhay ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Marcos at Speaker Martin Romualdez.
Ikinabahala nina Zamora, Adiong, at Khonghun, mga lider ng Young Guns sa Kamara, ang pagtanggi ni Duterte sa kanyang mga sinabi sa isang online press conference na mayroon siyang kinausap na papatay kina Pangulong Marcos, First Lady Liza Araneta-Marcos, at Speaker Ferdinand Martin Romualdez kapag mayroong nangyari sa kanya.
Sa isang pahayag itinanggi ni Duterte na pinagbantaan nito ang Pangulo.
“I did not make an assassination threat to the President. Sila lang nagsasabi niyan. Sila lang nagsasabing may assassination, may assassin, may gunman. I did not say that,” pahayag ni VP Sara.
Sinabi ni Zamora na ang biglaang pagbaliktad ni Duterte ay isang desperado at baluktot na pagtatangkang burahin sa isip ng publiko ang kanyang mga sinabi.
Para naman kay Adiong, ang mga pahayag ni Duterte ay dapat tingnan bilang seryosong banta sa pambansang seguridad at nangangailangan ng agarang imbestigasyon.
Binanggit ni Adiong na hindi ito ang unang pagkakataon na tinangka ni Duterte na iligaw ang publiko. Aniya, makailang beses ng iniiwasan ng Bise Presidente ang pananagutan—mula sa pagtangging ipaliwanag ang ginawang paggastos sa P125-milyong confidential fund sa loob ng 11 araw hanggang sa pagbibigay-palusot sa iligal na paglilipat ng pondo ng DepEd at OVP.
“VP Sara Duterte is now trying to play the victim, but she is the one who put herself in this mess. She threw a tantrum, blurted out highly dangerous statements, and now that she realizes the legal consequences, she is pretending none of it happened. But the public is not stupid,” pahayag ni Adiong.
Hinikayat ni Khonghun ang National Bureau of Investigation (NBI) na pabilisin ang kanilang imbestigasyon sa kaso, binigyang-diin na ang mga banta laban sa Pangulo ay isang seryosong usapin at isang mahalagang isyu ng pambansang seguridad.
“The Filipino people deserve answers. VP Sara Duterte must not be allowed to get away with lying to the public and evading responsibility. Her statements are not just reckless, they are dangerous, and she must be held accountable,”giit pa ni Khonghun.