-- Advertisements --

“Mulat na ang taumbayan sa katiwalian at pang-aabuso.”

Ito ang nagkakaisang pahayag ng “Young Guns” bloc ng Kamara de Representantes kasabay ng kanilang ng kanilang malugod na pagtanggap sa resulta ng pinakabagong survey na nagpapakita ng malaking suporta ng nakararaming Pilipino sa imbestigasyon ng Quad Committee sa ilegal na droga, extrajudicial killings (EJKs), at Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs).

Ayon sa Young guns ito ay malinaw na nagpapakita na hindi na bulag ang taumbayan sa mga katiwalian.

Hinihingi na ng publiko ang katotohanan at hustisya.

Ayon kina Reps. Rodge Gutierrez (1-Rider Party-list), Zia Alonto Adiong (Lanao del Sur), Pammy Zamora (Taguig), Jay Khonghun (Zambales), Paolo Ortega V (La Union), Jil Bongalon (Ako Bicol Party-list), at Lordan Suan (Cagayan de Oro City), ang resulta ng survey ay isang malinaw na pagsuporta sa mga hakbang ng Kamara na panatilihin ang transparency at magkaroon ng pananagutan sa gobyerno.

Ang Young Guns, grupo ng mga masisigasig na kabataang mambabatas, ang nanguna sa 13 pampublikong pagdinig ng Quad Comm na naglantad ng nakakaalarmang kaugnayan ng EJKs, mga sindikato ng droga, at ilegal na operasyon ng POGO, pati na rin ang mga alegasyon ng money laundering, pag-iwas sa buwis, at human trafficking.

Inihayag ng Quad Comm na ang war on drugs ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte ay nagsilbi umanong pantakip sa isang “grand criminal enterprise,” na kinasasangkutan ng mga mataas na opisyal ng gobyerno na kumikita mula sa kalakalan ng droga.

Sinabi ng Young Guns na ang napakalaking suporta ng publiko ay nagpapalakas sa kanilang determinasyon na tuklasin ang katotohanan at panagutin ang mga sangkot.

Tiniyak ng mga mambabatas sa publiko na ang Kamara, sa pamumuno ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez, ay mananatiling matatag sa kanilang pangako na tuklasin ang katotohanan, panagutin ang mga sangkot, at magpatupad ng mga reporma upang maiwasan ang ganitong uri ng pang-aabuso sa hinaharap.