Mariing kinondena ng mga lider ng Young Guns ng Kamara de Representantes ang tahasang hindi pagdalo ni Vice President Sara Duterte sa pagdinig ng panukalang P2.037 bilyong pondo na hinihingi ng Office of the Vice President (OVP) para sa susunod na taon.
Ayon kina House Assistant Majority Leaders Jil Bongalon (Ako Bicol Party-list), Jay Khonghun (Zambales, 1st District), at Francisco Paolo Ortega V (La Union, 1st District) isang pambabastos sa legislative process at sa sambayanang Pilipino ang hindi pag-sipot ni Duterte sa budget hearing.
Tuwirang tinawag ni Bongalon na kaduwagan at kawalan ng pananagutan ang hindi pagdalo ni Duterte.
Tinuligsa naman ni Khonghun ang inasal ng bise presidente na hindi lang isang kawalan ng paggalang kundi isa ring maling asal ng isang indibidwal na nasa mataas na posisyon.
Para naman kay Ortega binalewala ng bise presidente ang prinsipyo ng pamumuno at serbisyo publiko dahil sa hindi niya pakikibahagi sa mahalagang proseso ng pagbuo ng pambansang badyet.
Hindi pinalagpas ng Young Guns ang pagbabalewala ng bise presidente sa transparency at accountability, bagay na hindi anila katanggap-tanggap sa isang pinagkatiwalaan na umupo sa public office.
Nanawagan din ang mga mambabatas na huwag na itong magtago sa kanyang posisyon at harapin ang Kongreso para ipaliwanag kung paano gagamitin ng OVP ang panukalang pondo nito, bagay na obligasyon niya sa bawat Pilipino.