Sang-ayon ang mga kinatawan ng Kamara de Representantes sa posisyon ni dating Senate President Vicente “Tito” Sotto na suportahan ang desisyon ng bagong pamunuan ng Senado na ipagpaliban ang konstruksyon ng itinatayong bagong gusali ng Senado sa Taguig City habang isinasagawa ang imbestigasyon.
Nagpapasalamat din sina Assistant Majority Leaders Jay Khonghun (Zambales, 1st District), Paolo Ortega V (La Union, 1st District), at Jil Bongalon (Ako Bicol Party-list), at 1-Rider Party-list Rep. Rodge Gutierrez, pawang mga miyembro ng “Young Guns” ng Kamara, kay Sotto sa pagbibigay linaw sa usapin, partikular sa lumalaking gastusin ng gusali na ikinabahala ng dati at kasalukuyang pamunuan ng Senado.
Sinabi ni Khonghun na ang pag-endorso ni Sotto sa panawagang suspensyon ay isang pagpapatibay sa naging desisyon ni Senate President Francis Escudero.
Ayon naman kay Ortega, nakakagulat na malaman na umabot na sa P23.3 bilyon ang halaga ng proyekto, na halos triple ang itinaas mula sa orihinal na presyong P8.9 bilyon.
Sinabi ni Bongalon na ang pagkilala ni Sotto na magsagawa ng pagsusuri at ang pagtukoy sa dati ng isyu ng proyekto na nagsasangkot sa Hilmarc’s Construction Corp.
Binigyang-diin naman ni Gutierrez ang kahalagahan ng pagiging maingat at transparent sa paggamit ng pondo ng bayan, at mariing nanawagan para sa isang masusing pagsusuri ng proyekto.
Sinabi ni Sotto na nararapat lamang na magkaroon ng imbestigasyon lalo’t patuloy ang paglaki ng gastos sa proyekto at ang pagsang-ayon sa desisyon ni Escudero sa pagpapatigil ng konstruksyon sa gusali.
Si Sotto ay ang dating Senate President nang pinasimulan ang pagpapatayo ng gusali ng Senado noong 2019, habang si Senator Panfilo “Ping” Lacson naman ang tumatayo bilang chairman ng Committee on Accounts, na namamahala sa proyekto.
Sinabi ni Sotto na narinig niyang ibinilin ni Lacson sa DPWH, at project manager na hindi dapat patawan ng labis na presyo ang pagtatayo ng gusali.
Inihayag din noon ni Sotto ang pagdududa sa winning bidder, na Hilmarc’s Construction Corp., na parehong kumpanya na sangkot sa overpriced construction na P2.3 bilyon Makati City Hall building noong 2008 hanggang 2013.
Ayon pa sa dating pinuno ng Senado, na nangako rin noon ang Hilmarc na pagbubutihin ang proyekto upang makabawi sa hindi magandang imahe sa pagkakasangkot sa Makati Building.