Sinabihan ng dalawang miyembro ng Young Guns ng Kamara de Representantes si Sen. Ronald “Bato” dela Rosa na sa International Criminal Court (ICC) na lamang magpaliwanag at harapin ang mga akusasyon sa kanya kaugnay ng madugong war on drugs ng administrasyong Duterte na kumitil sa buhay ng libu-libong Pilipino.
Ayon kina House Deputy Majority Leader Jude Acidre at House Assistant Majority Leader Jil Bongalon, sa halip na akusahan ang liderato ng Kamara, dapat harapin na lamang ni Dela Rosa ang mga akusasyon sa kanya. Si Dela Rosa ang hepe ng Philippine National Police (PNP) ng ipatupad ang war on drug campaign.
Sinabi pa ni Acidre na bagamat itinatanggi ni Dela Rosa na mayroon siyang kasalanan ay ayaw naman nitong harapin ang kaso nito sa ICC.
Sinabi ni Acidre na hindi maitatanggi na malaki ang papel na ginampanan ni Sen. Dela Rosa sa implementasyon ng madugong drug war.
Dagdag pa ni Acidre na kung ayaw niya magpaliwanag sa Kongreso sa ICC na lang siya magpaliwanag.
Puna naman ni Bongalon, patuloy ang pag-iwas ni Dela Rosa sa pananagutan gayung siya ang hepe ng PNP ng ipatupad ni Duterte ang kampanya.
Sa mga nakalipas na pagdinig ng Quad Committee, ilang mga saksi na rin ang nagpahayag ng direktang pagkakasangkot ng PNP sa mga extra judicial killing sa ilalim ng pamununo ni Dela Rosa.
Dagdag pa ni Bongalon na paano niya maitatanggi gayong sa ilalim ng kaniyang liderato naganap ang madugong war on drugs.
Patuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon ng ICC sa “drug war campaign ng nakalipas na administrasyong Duterte, kung saan tinututukan ng international prosecutors na ang mga pagpatay na naganap sa ilalim ng kampanyang ito ay pinahintulutan ng estado.
Naniniwala sina Acidre at Bongalon na panahon na para harapin ni Dela Rosa ang mga kasong ito.
Suportado rin ni Bongalon ang panawagan, sa ngalan na rin ng transparency at accountability bilang mga opisyal ng gobyerno.
Kapwa rin pinuna ng mga mambabatas ang pagtanggi ni Dela Rosa sa pagharap ni Dela Rosa sa pagdinig ng Quad Com kaugnay sa kaniyang pagkakasangkot sa EJKs.
Sa pag-usad ng imbestigasyon ng ICC, naniniwala sina Acidre at Bongalon na isang mahalagang hakbang upang maipahayag ang katotohanan tungkol sa mga pangyayari sa giyera kontra droga ng administrasyong Duterte, lalo na ang mga insidente ng karahasan at EJKs.
Sinabi ni Bongalon na hindi maitatanggi ang hindi mabilang na dami ng pamilyang nagdusa dulot ng anti-drug campaign.
Patuloy ang imbestigasyong isinasagawa ng ICC sa sistematiko umanong pagpatay sa mga drug suspect sa ilalim ng war on drugs ng administrasyong Duterte.