Pinaalalahanan ng isang kongresista mula sa oposisyon ang China na huwag maki-alam sa trabaho ng mga miyembro ng Kamara de Representantes na nagpatawag ng imbestigasyon hinggil sa pagdami ng mga Chinese students sa Northern Luzon.
Ito ang naging pahayag ni Rep. Ramon Rodrigo “Rodge” Gutierrez ng 1-Rider party-list at miyembro ng Young Guns ng Mababang Kapulungan, bilang pagtatanggol kay Rep. Joseph Lara ng ikatlong distrito ng Cagayan laban sa inilabas na pahayag ng Chinese Embassy sa Maynila.
Inakusahan ng Chinese embassy si Lara na nagpapakalat ng pagdududa at pagkamuhi sa China, paratang na sinophobia, pagpapalaganap ng takot sa komunismo, at pagpapalala ng isyu ng West Philippine Sea upang maisulong ang kanyang sariling interes at political agenda.
Nilinaw naman ni Gutierrez na ang resolusyon na inihain ni Lara ay maaaring hindi 100 porsyentong tama,partikular sa bilang ng mga Chinese student sa Cagayan subalit ang punto umano ng pagpapatawag ng imbestigasyon ay upang malaman ang katotohanan.