-- Advertisements --

Tatanggap ng P1-milyon mula sa Philippine Sports Commission (PSC) ang Pinoy gymnast na si Carlos Yulo at dalawang iba pang mga atleta na dinomina ang international stage nitong mga nakalipas na araw.

Matatandaang ibinulsa ni Yulo ang gintong medalya sa men’s floor exercise category ng 49th Artistic Gymnastics World Championships sa Germany.

Ayon kay PSC chairman William “Butch” Ramirez, bukod kay Yulo, makakakuha rin ng P1-milyon ang boxer na si Nesthy Petecio, na nagreyna sa 2019 Aiba Women’s Boxing World Championships na ginanap sa Russia.

Habang ang isa pang boxer na si Eumir Marcial, na nakadagit ng silver medal sa the 2019 AIBA World Boxing Championships, ay bibigyan ng P500,000.

Paliwanag ni Ramirez, ito ay sang-ayon sa Republic Act 10699 o ang Expanded Incentives Act kung saan bibigyan ng insentibo ang mga atletang nagbigay ng karangalan sa bansa.

Samantala, tataasan naman ng P10,000 ang allowance ng paole vaulter na si Ernest John Obiena makaraang ma-qualify sa 2020 Tokyo Olympics noong nakalipas na buwan.

Ang nasabing mga atleta ayon kay Ramirez ay magkakaroon ng courtesy call kay Pangulong Rodrigo Duterte sa Malacañang sa darating na Miyerkules.