TAGUIG CITY – Balik na sa kanyang piitan sa Camp Bagong Diwa sa lungsod ng Taguig kaninang hapon ang isa sa mga pangunahing suspek sa Maguindanao massacre case na si dating Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) Gov. Zaldy Ampatuan.
Sakay sa isang wheelchair, inihatid na si Ampatuan sa kanyang selda matapos na ma-discharge ito sa Makati Medical Center dakong alas-2:03 nitong Miyerkules ng hapon nang maglabas na ang kanyang doktor ng release order.
Nakarating naman ito sa bisinidad ng Camp Bagong Diwa bandang alas-2:17 ng hapon, kung saan in-escortan ito ng mga elemento mula Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) at Makati police.
Noong Oktubre 22 nang isugod si Ampatuan sa Taguig-Pateros district hospital makaraang dumanas ng stroke.
Makalipas naman ang isang linggo nang ilipat ang dating gobernador sa intensive care unit ng Makati Med bago ilipat sa regular room.
Kahapon nang ipag-utos ni Quezon City Regional Trial Court (RTC) Branch 221 Judge Jocelyn Solis-Reyes na ibalik sa kanyang selda si Ampatuan.
Samantala, isinailalim sa lockdown ang buong Camp Bagong Diwa ngayong bisperas ng promulgation ng kontrobersyal na kaso.
Sa pagtungo ng Bombo Radyo sa kampo, nabatid na pansamantalang ipinagbawal ang pagdalaw sa mga preso mula ngayong hanggang bukas, Disyembre 19.
Tanging mga personnel lang ng PNP at iba pang otorisadong mga kawani ang maaring maglabas-masok sa loob ng kampo.
Samantala, iginiit ng bjmp na mahigpit ang papairaling security protocols bukas sa promulgasyon ng kaso.
Sa pahayag ng BJMP, magiging mahigpit ng seguridad partikilar sa court room, sa venue ng promulgasyon sang-ayon na rin sa guidelines na inilabas ng Korte Suprema.