Pormal ng nanumpa nitong Sabado si Rosalina ” Nanay Nene” Jalosjos bilang gobernador ng Zamboanga del Norte na tiyahin ni Seth Federick “Bullet” Jalosjos na siyang mayor ng Dapitan City.
Magkasunod na nanumpa ang magtiyahin kahapon, July 2,2022.
Bago isinagawa ang inagurasyon ni Mayor Jalosjos, isang misa muna ang ginanap sa harap ng Government Center ng Dapitan.
Nanumpa na rin sa kani-kanilang katungkulan ang 10 miyembro ng Sangguniang Panlungsod ng Dapitan.
Sa inagurasyon, tinanggap din ni Mayor Jalosjos ang susi, na simbolo ng kaniyang pagtanggap ng responsibilidad bilang chief executive ng lungsod.
Ilan sa magiging prayoridad sa administrasyon ni Mayor Bullet Jalosjos ay ang pagpapalakas pa sa turismo ng Dapitan, dagdag na pagkakakitaan at hanapbuhay, mabuting edukasyon, pagpapalago ng teknolohiya, at pagtiyak ng maayos na pangangatawan ng mga residente.
Samantala, isang motorcade ang isinagawa para sa dating alkalde ng Dapitan na si Gov. Nene Jalosjos patungong Dipolog City para sa kaniyang panunumpa bilang gobernador ng Zamboanga del Norte.
Sa harap ng tribal leader na si Timo-ai Labi Johnny Anufon Sr. nanumpa ang bagong gobernador bilang pagpapahalaga ng tribung Subanen sa probinsiya.
Malaki ang pasasalamat ng tribo na binigyan sila ng kahalagahan ng bagong administrasyon.
Bilang pagkilala sa kanilang kultura, isinagawa din sa inagurasyon ni Governor Jalosjos ang isang buklog, isang pagdiriwang at pasasalamat ng tribung Subanen.
Mahigpit ang seguridad na ipinatupad ng PNP sa Zamboanga del Norte sa isinagawang panunumpa ng mga bagong halal na opisyal.
Kasabay ng panunumpa ng mag tiyahing Jalosjos, ipinagdiriwang din ang Kasa Kaza Festival kung saan ibat ibang mga aktibidad ang naka-linya na nagsimula pa nuong June 27,2022.