Nasa 12 na kumpirmadong kaso ng COVID19 sa buong Rehiyon ng Zamboanga Peninsula.
Sa inilabas na data ng DOH region 9, sampu sa mga ito ay actual na nasa rehiyon habang ang dalawa naman ay nasa Maynila ngunit lihitimong residente ng region 9.
Sa ngayon ang Zamboanga City ay may walong kaso ng corona virus at ang Zamboanga del Sur naman ay may apat.
Anim sa mga naitalang nagpositibo ay nadischarge na matapos makarecover sa sakit habang nanatiling nakaconfine sa mga ospital ang anim na iba pa.
Ang buong Zamboanga Peninsula ay mayroon ng 461 na suspected cases ng COVID 19 kung saan 279 dito ay nakuhanan na ng sample, 194 ang nagnegatibo habang 75 naman ang pending pa ang resulta.
Nabatid na sa 461 na suspected cases, 120 dito ay nagmula sa Zamboanga del Norte, 69 sa Zamboanga del Sur, 32 sa Zamboanga Sibugay, 227 sa Zamboanga City at 13 sa Isabela City.
Samantala, kinumpirma naman kaninang umaga ni Mayor Beng Climaco ng Zamboanga City ang pagkasawi ni patient #7 ng syudad na isang 94 anyos na babae mula sa Veterans Avenue.
Sinasabing respiratory failure secondary to Pneumonia ang dahilan ng pagkamatay nito. Ang biktima ang pinakaunang nasawi sa COVID19 sa Zamboanga City at buong Rehiyon 9.
Nagpaabot naman ng pakikiramay ang naturang mayor sa pamamagitan ng kanyang social media.