Nilinaw ni House Deputy Minority Leader at Bayan Muna party-list Rep. Carlos Isagani Zarate na hindi kabilang ang Makabayan bloc solons sa mga tumanggap ng P100-million allocation sa ilalim ng 2020 proposed P4.1-trillion national budget.
Ito ay matpos na sabihin ni House Ways and Means Committee chairman Joey Salceda na tatanggap ang mga kapwa niya kongresista ng P70-million na alokasyon para sa kanilang mga construction projects, at karagdagang P30-million para sa soft projects.
Sinabi ni Zarate na kahit pa sinasabi ng liderato ng Kamara na hindi ito kumokontra sa ruling ng Korte Suprema noong 2013 na nagbabawal sa lump sum allocation at post enactment intervention ng mga kongresista ay maituturing pa rin daw itong “pervasive patronage system” o palakasan sa budget process.
Bagama’t itemized ang mga allotments, sinabi ni Zarate na maikokonsidera pa rin itong pork barrel kapag nakikialam ang mga mambabatas sa implementation nito tulad na lamang ng pagpili sa mga magiging beneficiaries at contractors.
Ang palakasan sa budget process aniya ay maituturing pa ring korapsyon na ginagamit ng executive department para hawakan ang Kongreso at impluwensyan ang mga ito sa kanilang kahilingan.
Para malabanan aniya ang katiwalian, at para maging independent ang Kongreso, iginiit ni Zarate na dapat na umanong buwagin ang pork barrel system.
“Hiding behind semantics and technical definitions would not do. We must get rid of the pork barrel system and have a national budget that genuinely and directly goes to the basic services that is needed by our constituents, as well as projects that truly usher us to national industrialization and development,” sambit ni Zarate.