Umaapela si House Deputy Minority Leader at Bayan Muna party-list Rep. Carlos Isagani Zarate na suspendihin muna ang deliberasyon ng Kamara sa 2020 proposed national budget.
Panawagan ito ni Zarate matapos binawi ni House Deputy Speaker for Finance Lray Villafuerte ang inihaing 2020 General Appropriations Bill (GAB) ni Appropriations Committee chairman Isidro Ungab noong nakaraang linggo dahil sa hindi pa tapos ang briefing ng mga ahensya ng gobyerno dito.
Sinabi ni Zarate na dapat ihinto muna ang ginagawang budget briefing ng komite habang hindi pa naihahain muli ang panukala para sa pambansang pondo sa susunod na taon.
Nangangamba ang kongresista na maging “prelude” sa budget insertion ang tuloy-tuloy na briefing na ginagawa rito.
Giit ni Zarate, kailangan din mahimay ng husto ang 2020 proposed budget upang sa gayon ay matiyak na wala itong nilalamang pork barrel, lumpsum, intelligence, o maging confidential funds.