DIPOLOG CITY – Kinokonsedara ngayong epicenter ng COVID-19 infection sa Zamboanga City ang male dormitory ng city jail kung saan umabot na sa 77 na mga person’s deprived of liberty (PDL) ang nagpositibo sa virus.
Napag-alaman na base sa standard, ang kaya lamang i-accomodate ng naturang pasilidad ay hanggang 320 katao ngunit sa kasalukuyan ay nasa 3,230 na ang total na bilang ng population sa loob ng jail facility.
Sa ngayon ay inaantay pa umanong matapos ang construction ng bagong jail facility na nasa Talisayan, Zamboanga City.
Inamin ng pamunuan ng Zamboanga City Reformatory Center na nangangailangan sila ng isolation facility para sa mga PDL na nagpositibo sa COVID at sa iba pang may mga sintomas ng virus.
Nabatid na kasalukuyan naka-isolate ang 77 PDL at mga may sintomas sa sakit sa isang temporaryong quarantine facility sa loob ng ZCRC.
Maliban sa mga nabanggit, marami rin ang nagpositibo sa mga pinalayang inmate na sa ngayon ay naka-isolate naman sa ibang lugar.
Ayon naman kay Mayor Beng Climaco asahan umano ang pagtaas pa ng bilang ng mga nahawaan sa susunod pang mga araw dahil may mga specimen pang naka-pending sa pagsusuri sa Zamboanga City Medical Center at sa Department of Agriculture laboratory.
Nagsimula umano ang lockdown sa city jail noon pang March 20 at hanggang sa ngayon ay patuloy pa ang ginagawang imbestigasyon at contact tracing hinggil sa pinagmulan ng virus sa loob ng pasilidad.
Sa kasalukyan ay mayroong 141 na positibo sa COVID-19 ang Zamboanga City at 12 sa mga ito ay mga BJMP personnel, siyam naman ang mga naka-recover at tatlo ang namatay.