-- Advertisements --

Sa kauna-unahang pagkakataon, inihayag ni Ukraine President Volodymyr Zelensky na nakahanda siyang isuko ang teritoryo ng Ukraine sa Russia para mawaksan ang giyera.

Ginawa ng Pangulo ng Ukraine ang naturang pahayag sa isang panayam sa kaniya sa isang British television news channel nitong gabi ng Biyernes.

Aniya, kayang isuko ng kaniyang bansa ang lupa nito pansamantala kapalit ng pagsasailalim sa mga teritoryong kontrolado pa rin ng Ukraine sa North Atlantic Treaty Organization (NATO).

Dagdag pa ni Zelensky na kapag napagkasunduan na ang ceasefire sa pagitan nila ng Russia, maaari aniyang makipag-negosasyon ang Ukraine sa diplomatikong paraan para maibalik ang teritoryo sa silangan na kasalukuyang kontrolado ng Russia.

Ang mga pahayag na ito ni Zelensky ay nagpapakita ng isang malaking pagbabago sa kaniyang posisyon. Nauna na kasing sinabi ng Kyiv na ipagpapatuloy nito ang pakikipaglaban sa Russia hanggang sa maibalik ang mga kinikilala ng international community na teritoryo ng Ukraine kabilang na ang 4 na region na kinubkob ng Russia at ginawang annex noong 2022 kabilang ang Crimea.

Samantala, nang matanong naman si Zelensky kung handa siyang isuko ang buong Ukraine sa Russia kapalit ang full membership nito sa NATO, tugon ni Zelensky na posible subalit wala aniyang nag-alok sa kanila na maging kasapi ng NATO ng iisang parte lang o ibang parte ng Ukraine.

Sa huling bahagi ng panayam, inihayag ni Zelensky na may ibang bansa na ang nagpanukala ng ceasefire agreement sa pagitan ng Ukraine at Russia. Sakali aniyang mapagkasunduan ang tigil-putukan, maggagarantiya aniya ito na hindi na babalikan pa ni Russian President Vladimir Putin ang Ukraine.

Kayat kailangan aniya nila ang proteksiyon ng NATO dahil kung wala, babalikan aniya sila ni Putin.