Muling hinimok ni Ukrainian President Volodymyr Zelensky ang UN Security Council na magsagawa ng agarang aksyon laban sa Russia upang panagutin ito sa lahat ng mga kalupitang ginawa partikular na sa mga sibilyan.
Sinabi ito ni Zelensky sa isang video message ng kanyang talumpati sa harap ng UN Security Council.
Dito ibinahagi ng Ukrainian president ang lahat ng kanyang nasaksihang sitwasyon sa Bucha kung saan nagkalat ang bangkay ng daan-daang mga sibilyan na pinatay umano ng mga sundalo ng Russia.
Muling inalala at inilarawan ni Zelensky ang karumaldumal na dinanas ng mga biktima doon kung saan may ilan na binaril, pinutol daw ang mga paa, ginilitan, kababaihang ginahasa at pinatay sa harap ng kanilang mga anak, at iba pa.
Isa lamang aniya itong halimbawa sa mga maraming ginagawa ng mga mananakop sa kanilang bayan sa nakalipas na 41 araw, at napakarami pa aniyang mga lugar ang nakakaranas ng kaparehong paghihirap na hindi pa nalalaman ng buong mundo.
Aniya, ang mga aksyon na ito ni Putin ay tila wala nang pinagkaiba raw sa gawain ng mga terorista kung kaya’t nais niya na magkaroon ng full at transparent na imbestigasyon hinggil sa “war crimes” na ito na ginagawa ng Russia kung saan ang kanilang bansa ang lubos na nagdurusa.