-- Advertisements --

Kinumpirma na ni Ukraine Presidente Volodymyr Zelensky ang incursion o paglusob ng kanilang tropa sa Kursk region sa Russia.

Ito ang unang pagkakataon na opisyal na kinumpirma ng Ukraine President ang incursion halos isang linggo mula ng ilunsad ng Ukrainian troops ang cross-border incursion noong Martes, Agosto 6.

Sa inilabas na address to the nation ni Zelensky, pinasalamatan niya ang bawat unit ng Ukraine Armed Forces para gawing posible ang pagsusulong ng giyera sa teritoryo ng kalaban.

Sa latest report mula sa Russian Defense Ministry, ipinapakita na umabanse na ang Ukrainian troops sa 30 kilometro sa loob ng Russian territory.

Nitong linggo, ayon sa Ministry nakipaglaban ang kanilang pwersa sa mga tropa ng Ukraine sa mga lugar sa Tolpino, Zhuravli at Obshchy Kolodez.

Napanatili naman ng pwersa ng Ukraine ang kanilang posisyon sa rehiyon kung saan noong Biyernes, nawala na sa kontrol ng Russian authorities o nakubkob na ng Ukraine ang nasa 250 square kilometers ng teritoryo.

Sa ibinahaging video ng Ukraine military sa social media noong Sabado, makikitang tinanggal at inihagis sa ground ng mga sundalo ng Ukraine ang watawat ng Russia sa Sverdlikovo village council building sa Sudzhansky district at pinalitan ito ng bandila ng Ukraine.

Nito namang linggo, panibagong video ang inilabas na nagpapakita naman ng mga sundalo ng Ukraine na nakatayo sa Russian flag sa labas ng Guyevo village club building. Gayundin makikita ang isang Ukrainian soldier na umaakyat sa itaas ng gusali at ikinakabit ang kanilang watawat.