Ipinaalala ni Office of Civil Defense (OCD) Administrator Ariel Nepumuceno ang target ng pamahalaan na zero casualties kasabay ng tuluyang pag-landfall ng supertyphoon Ofel sa probinsya ng Cagayan.
Naniniwala ang opisyal na bagaman isa itong supertyphoon ay nagawa na ng mga lokal na pamahalaan ang inisyal na preparasyon bago pa man ang tuluyang pagbagsak ng bagyo, tulad ng maagang pagpapalikas, pag-preposition sa mga kagamitan para sa mga search and rescue operations, at maagang pag-abiso sa mga residente.
Hiniling din ni Nepumuceno sa mga rescuers na bantayan ang tawag ng mga residente para sa anumang pangangailangan kasabay ng pananalasa ng bagyo.
Sa kabila nito ay ibinilin din ng OCD administrator sa mga rescuer na tiyakin ang kanilang kaligtasan at kapakanan, lalo na at sunod-sunod na aniya ang ginagawang pagtugon sa mga kalamidad.
Tiniyak din ng opisyal sa mga evacuees at lahat ng displaced families na may nakahandang tulong na maibibigay sa kanila habang pansamantala silang nanunuluyan sa mga evacuation center o nakikitira sa kanilang mga kaanak.
Kaninang ala-una ng hapon, Nobyembre 14, ay naglandfall ang bagyong ‘Ofel’ sa bayan ng Baggao, Cagayan, taglay ang lakas ng hangin na pumapalo sa 240kph.