Puspusan na ang isinasagawang paghahanda ng lokal na pamahalaan ng Quezon City upang makamit ang zero casualty lalo na at panahon na ngayon ng tag-ulan sa bansa.
Ito ang inilahad ni Quezon City Mayor Joy Belmonte habang siniguro naman ng Disaster Risk Reduction and Management Council ng naturang lungsod na nakahanda na ang lahat ng kanilang mga kailangan kung sakaling tumama ang La Niña sa kanilang lugar.
Dagdag pa niya lahat umano ng mga kaukulang tanggapan ng nasabing lungsod ay may gagampanang papel upang matiyak ang kaligtasan ng lahat ng kanilang residente at upang mapabilis at agarang makapaghatid ng tulong at serbisyo ang mga ito.
Binigyang diin din ni Belmonte na nakaantay din ang mga rescue boats, protective gears, sonar equipment, rescue cans, at ang iba pang mga kagamitan na maaari nilang gamitin upang makasagip at makapagligtas ng buhay sa oras ng sakuna.
Habang naka standby naman daw ang mga kawani ng QCDRRM Council upang malaman nila ang galaw ng bagyo, lakas ng hangin at upang mamonitor ang iba pang dulot ng bagyo sa kanilang lugar.