CENTRAL MINDANAO- Bagamat walang naitalang kaso ng Dengue sa bayan ng Kabacan Cotabato para sa nakalipas na Mayo 2020, patuloy parin ang paghimok ng Lokal na pamahalaan na mag-ingat pa rin ang bawat kabakeño.
Batay sa datos na inilabas ng Municipal Epidemiology Surveillance Unit, walang kabakeño ang nagkaroon ng dengue sa bayan para sa buwan ng Mayo 2020. Ang ilan umanong kaso ng dengue ay mula sa karatig bayan na dito lamang na-confine.
Sa kabila nito, nagpasalamat si Kabacan Mayor Herlo Guzman Jr sa mga kabakeñong patuloy sa pagsasaayos ng kanilang kapaligiran upang mabantayan ang paligid sa lamok na nagdadala ng dengue.
Nagpaabot din ito ng pasasalamat sa Rural Health Unit, Sanitary Unit, mga BHERTs, BHWs, BNS, Daycare workers, at mga Barangay Officials na laging nakaantabay at gumagawa ng kanilang mga aktibidad kontra dengue.
Samantala, ngayong nalalapit na ang buwang ng tag-ulan at nakakaranas angbayan ng ITCZ, hinikayat ni Mayor Guzman ang bawat isa na laging maging handa at iligtas ang pamilya sa dengue.