Target makamit ng Pambansang Pulisya na magkaroon ng zero incidents sa apat na araw na ASEAN Summit sa bansa.
Ayon kay PNP chief police Director General Ronald dela Rosa na hanggang sa ngayon wala pa rin silang naitalang mga insidente simula ng mag-umpisa ang summit noong Miyerkules.
Umaasa si Dela Rosa na magiging zero incident pa rin hanggang sa matapos ang ASEAN Summit bukas Sabado at hanggang sa makaalis na ang lahat ng mga delegates na dumalo dito.
Nasa higit 40,000 na mga pulis, sundalo at force multipliers ang idineploy para matiyak na maging mapayapa, maayos at matagumpay ang ASEAN Summit.
Naka full alert status ang PNP para matiyak ang seguridad ng lahat ng mga delegates partikular ang mga heads of state.
Ngayong araw nakapagtala ang ASEAN Security Task Force ng tatlong kilos protesta na hindi naman humantong sa girian sa pagitan ng mga pulis at mga raliyista.
Mahigpit na binantayan kanina ng mga otoridad ang militanteng grupo na nakalusot at nakapagsagawa ng rally sa may bahagi ng Roxas Boulevard pero napakiusapan umano ito ng PNP at maayos naman nag-disperse.
Ayon sa PNP, tinatayang nasa 300 na mga raliyista ang nagsagawa ng kilos protesta sa tatlong lugar kaninang umaga.
Batay sa monitoring ng Asean Security Task Force wala silang namomonitor at naitalang may mga pulis na nagkaroon ng heat stroke.
Tiniyak ng PNP na regular ang ginagawang pag-iikot ng mga medical teams upang matiyak na okay ang mga pulis na nagbabantay sa seguridad.
Ayon kay CSupt. Baraceros nakatanggap lamang sila ng report na may pulis na sumakit ang tiyan.
Sa kabilang dako, tiniyak naman ni PNP chief na mataas ang morale ng mga pulis na nagbibigay seguridad ngayon sa ASEAN Summit.
Pinatitiyak ni PNP chief na hindi napapabayaan ang mga pulis na nag pe-perform ng kanilang duty.