-- Advertisements --
zion williamson
Zion Williamson/ Photo courtesy of NBA

Hindi napigilan ni Zion Williamson na maging emosyonal makaraang matupad ang kanyang pangarap na maging No. 1 overall pick ng New Orleans Pelicans para sa 2019 NBA Draft nitong Huwebes (Biyernes, Manila time).

Halos hindi makapaniwala at napaluha pa si Williamson nang marinig nito ang kaniyang pangalan sa Barclays Center ng Brooklyn.

Ayon sa Duke power forward, lubos ang kanyang pasasalamat sa kanyang ina na si Sharonda Sampson na sumuporta sa kanya sa kanyang pangarap mula nang ito’y apat na taong gulang.

“My mom sacrificed a lot for me,” wika ni Williamson. “I wouldn’t be here without my mom. She did everything for me. I just want to thank her.”

“She was always be the first one to keep it real with me. … She put aside her dreams just so me and my brothers could have a chance at ours,” dagdag nito.

Nangako naman si Williamson na gagawin niya ang lahat para kilalanin at tingalain ito balang araw.

“I’m looking forward to playing against everybody. I want to be the best. I feel I have to earn everybody’s respect,” ani Williamson.

Humataw ang 6-foot-7 na si Williamson sa kanyang unang season sa collegiate level kung saan may average itong 22.6 points, 8.9 rebounds at 2.1 assists kada laro.

Si Williamson, na college basketball player of the year, ang magsisilbing mukha ng Pelicans.

Matatandaang ang New Orleans noong nakaraang season ay naglista ng 33-49 kartada at kamakailan ay nakapagsarado ng kasunduan para ibigay si center Anthony Davis sa Los Angeles Lakers.