Iginiit ng video-conferencing app na Zoom ang ibinibintang laban sa kanila ng isang simbahan sa San Francisco, California dahil sa umano’y kapabayaan nito.
Ito’y matapos magsagawa ng online bible study class noong Mayo 6 ang Saint Paulus Lutheran Church, isa sa pinakamatandang simbahan sa naturang syudad, kung saan karamihan sa mga sumali ay matatanda.
Batay sa isinampang kaso ng simbahan, nasa kalagitnaan umano sila ng diskusyon nang bigla na lamang daw may nag-stream na isang pornographic video sa kanilang computer screens.
Sinubukan umano nila na tanggalin ito ngunit hindi raw gumagana ang control buttons ng video conference.
“The footages were sick and sickening — portraying adults engaging in sexual acts with each other and performing sexual acts on infants and children, in addition to physically abusing them,” saad sa kaso.
Dagdag pa nito na di-umano’y umamin ang Zoom na ang naturang “hacker” ay kilalang serial offender na paulit-ulit nang inirereport sa mga otoridad.
Ayon pa sa mga nagdemanda, mas prayoridad daw ng Zoom ang kanilang kikitain kaysa sa data protection at user security. Dahil dito ay nais ng simbahan na magbayad ang Zoom dahil sa danyos na dulot ng kanilang kapabayaan, paglabag sa privacy ng isang indibidwal at maging ang paglabag sa California state consumer protection.
“The Church filed this lawsuit only after Zoom refused to take its concerns seriously,” pahayag ni Mark Molumphy, isa sa mga abogado ng simbahan.
“One would think that Zoom — having been informed of the Church’s horrific experience — would’ve done everything possible to acknowledge and fix the security vulnerabilities of its platform. Instead, the Church was basically ignored, and Zoom likely hoped that the Church would just go away. However, it is not going away, and instead, courageously stepping up to try to change Zoom’s practices and make sure this doesn’t happen again to anyone else,” dagdag pa nito.
Kinondena naman ng Zoom ang nangyaring insidente. Sa inilabas na pahayag ng tagapagsalita nito, kaagad silang gumawa ng aksyon para makilala ang nasa likod ng naturang pangha-hack at ipinaalam ito sa mga otoridad.
Hinihikayat din ng kumpanya ang lahat ng indibidwal na gumagamit ng Zoom application na kaagad ipaalam sa kanila kung sakaling maranasan ng mga ito ang parehong insidente.
“We also encourage all meeting hosts to take advantage of Zoom’s recently updated security features and follow other best practices, including making sure not to broadly share meeting IDs and passwords online, as appeared to be the case here,” ani tagapagsalita.
Naging mabenta sa bawat sulok ng mundo ang paggamit ng Zoom dahil sa lockdown na ipinatupad ng mga ito sanhi ng coronavirus pandemic.
Kalimitang ginagamit ang Zoom upang umattend ng virtual school classes, work meetings at makipag-usap sa mga kaibigan ngunit kasabay ng pagiging popular nito ay ang sunod-sunod na reports na natatanggap ng FBI tungkol sa “Zoombombing” o pag-hijack ng mga indibidwal para magpalabas ng mga malalaswang imahe.
Una nang humingi ng tawad si Eric Yuan, CEO ng Zoom, hinggil sa kanilang mga pagkukulang. “We recognize that we have fallen short of the community’s — and our own — privacy and security expectations. For that, I am deeply sorry.”